
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 25, 2014) – Patuloy na namamayagpag ang mga ilegal vendors sa labas ng Ateneo de Zamboanga University at hindi alintana ng mga ito ang peligro sa kalusugan ng mga estudyante na dulot ng kanilang maruming mga kamay sa pagbabalat at pagkakalkal ng manggang hilaw at kung anu-ano pa na kanilang ibinibenta.
Walang gamit na mga gwantes ang mga vendors sa paghawak ng mga prutas na ibinibenta at expose rin ito sa alikabok, usok, langaw at kung ano pang dumi na inililipad ng hangin sa kapaligiran. Pati ang mga sawsawan tulad ng toyo, bagoong at patis ay hindi rin sigurado kung malinis. Lantaran rin sa publiko ang kanilang maruming gawain.
At karamihan sa mga bumibili nito ay mga estudyante ng grade school, pati na rin ang mga nasa college at mga nakatambay sa labas ng unibersidad na nangangasim at naakit ng masarap na manggang hilaw at talamak rin ang ganitong tanawin sa mga pampublikong paaralan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may mga nagbebenta ng kung anu-anong pagkain at sitserya sa labas ng tanyag na paaralan sa Zamboanga. Hindi naman mabatid kung bakit hinahayaan ito ng naturang unibersidad o kung alam ba ng pamunuan na may naglipanang ganito sa labas ng gate.
Seryoso ang banta sa kalusugan dulot ng marumi at kontaminadong pagkain at iba pa na madaling kapitan ng mikrobyo, bacteria, viruses na siyang nagdudulot ng mga sakit tulad ng diarrhea, pagsusuka at kung anu-ano pa.
Tila wala naman hakbang na ginagawa ang City Health Office ukol sa mga ganitong gawain dahil matagal na itong nagaganap. Hindi naman mabatid kung bakit ito pinahihintulutan ng mga paaralan. (Mindanao Examiner)