
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Nov. 22, 2012) – Nadakip ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ang isang miyembro ng Abu Sayyaf na umano’y sabit sa pugot-ulo ng 11 magsasaka sa Basilan province mahigit isang dekada ang nakalipas.
Sinabi ni Capt. Alberto Caber, ang tagapagsalita ng 1st Infantry Division, na natunton ng mga tropa ang taguan ni Abu Jaid sa Isabela City matapos ng mahabang panahon na pagtatago nito sa batas.
“Involved itong si Abu Jaid sa pagdukot sa mga rubber plantation workers nuong 2001 at pinugutan nila ng ulo ang mga ito,” ani Caber sa Mindanao Examiner.
Agad naman umanong dinala sa Zamboanga City si Jaid upang doon imbestigahan. Kabilang ang mga bitkima nito sa mga dinukot ng rebeldeng grupo at ginamit na pananggalang sa mga tumutugis na sundalo, ngunit pinatay rin ang mga biktima sa isang plantasyon ng goma sa Lantawan.
Pinuri naman ng pamunuan ng militar ang pagkakadakip kay Jaid at sinabing patuloy ang operasyon ng pamahalaan kontra Abu Sayyaf. “This is the fruit of our (Oplan) Bayanihan in the communities and the strong support from local officials,” sabi pa ni Maj. Gen. Ricardo Rainier Cruz III, ang commander ng 1st Infantry Division.
Ang Bayanihan ay ang Internal Peace and Security Plan ng militar sa bansa. (Mindanao Examiner)