COTABATO CITY – Muling nagpaalala ang Bureau of Fire Protection sa publiko, partikular ang mga building owners, na maging maingat at siguraduhing maayos ang electrical connection upang maiwasan ang insidente ng sunog.
Ito ay matapos na lamunin ng apoy nitong Mayo 24 lamang ang 13 stalls sa Cotabato City Mega Market. Sa inisyal na ulat ng BFP, nagsimula umano ang sunog dakong alas 12 ng tanghali sa stall number 24 na pagmamay-ari ni Abdul Gapor at nasa 2nd floor ng lumang gusali ng palengke.

Isang miembro rin ng Barangay Peace-Keeping Action Team na nakilalang si Daniel Guuiabel ang nasugatan sa kasagsagan ng sunog matapos itong mawalan ng malay at malaglag mula sa ikalawang palapag ng gusali habang tumutulong sa pag-apula ng apoy.
Mabilis namang kumalat ang apoy sa iba pang mga kalapit na tindahan partikular yung mga tindahan ng tela at ukay-ukay. Agad namang nakapagresponde ang mga bumbero kaya’t naagapan ang mga katabing gusali sa lugar. Tumulong din sa pag-apula ng apoy ang Chinese Fire Brigade at fire department sa mga karatig na bayan sa Maguindanao.
Sinabi ni BFP-Cotabato City spokesperson Fire Officer 2 Aldrin Narra na tinatayang nasa mahigit P500,000 ang halaga ng mga nasunog na ari-arian. Ayon kay Narra, patuloy ang kanilang imbestigasyon upang malaman ang sanhi ng sunog. (Rhoderick Beñez)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read And Share Our News: https://www.mindanaoexaminer.com
Mirror Site: https://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com
Digital Archives: https://issuu.com/mindanaoexaminernewspaper
Media Rates: https://mindanaoexaminer.com/ad-rates