SULTAN KUDARAT – Tahasang inamin ni Abu Misry Mama, tagapagsalita ng Bangsamoro Islamic Freedom Figthers, na nasa mahigit sampung mga matataas na kalibre ng mga armas, mga uniporme, bullet proof vest at ilang personal na gamit ang nakuha ng kanilang grupong kasama ng Moro Islamic Liberation Front na lumaban sa aniya ay pagsalakay ng grupo ng Special Action Force commandos noong Enero 25 sa bayan ng Mamasapano sa Maguindanao.
Sa panayam ng Mindanao Examiner kay Abu Misry sa cell phone, malinaw na sinabi nito na hinding-hindi nila isasauli ang mga nasabing mga gamit na kinabibilangan ng isang 90 recoiless rifle, M-203 grenade launcher, assault rifle at iba pang aniya ay matataas na kalibre ng armas sa halip ang mga naturang armas ay gagamitin umano nila sa pakikipag-barilan sa tropa ng pamahalaang magtatangkang sumalakay sa kanilang posisyon kung saan malinaw din nitong sinabi na sila ay nasa defensive posture lamang sa kasalukuyan sa Maguindanao.
Dagdag din nito na pagdating umano sa usapin ng magkakamag-anak at tropa ng pamahalaan ang kalaban tulad ng naganap ay nagsasama ang mga ito bagamat aniya may pagkakataong sila-sila din mismo ang nagba-barilan katulad aniya ng naganap nitong huling tatlong araw sa bahagi ng Pagalungan, Maguindanao.
Wala din aniya silang pakialam sa usapan ng gobyerno at MILF kasunod ng hamon na subukan umano ng tropa ng pamahalaan na pasukin sila sa kanilang lugar at tiyak aniya na magkaka-ubusan.
Sa kaugnay na pahayag, sinabi ng isang opisyal ng Army sa lugar na paniniwala at opinyon umano ni Abu Misry ang naturan na kanila namang iginagalang habang tinuran nito na sila man ay handa sa anumang legal na utos ng kanilang mga kumander bagamat priyoridad pa rin aniya nila ang kapayapaan.
Hindi naman sang-ayon ang ilang naka-ugnay na mga residente at opisyal ng bayan sa Maguindanao tulad ni Mayor Benzhar Ampatuan sa hamon ni Abu Misry sa gulo na aniya ay walang magandang kahihinatnan lalung-lalo na sa mga tulad niyang nagha-hangad ng kapayapaan. (Rose Muneza)