
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / June 13, 2014) – Patay ang isang milyonaryong negosyante na may-ari ng isang hotel at resort at iba-ibang pang mga negosyo matapos itong barilin sa ulo ng di-kilalang armado sa Davao City.
Ayon sa pulisya, kasama ni Richard King na siyang may-ari ng Crown Regency Group of Hotels, ang kanyang mga empleyado at kumakain sa loob ng kanyang tanggapan sa Vital- C Building ng pasukin ito ng salarin dakong alas 7 ng gabi nitong Huwebes at biglang barilin.
Agad rin tumakas ang armado sakay ng motorsiklo na minamaneho naman ng iba. Wala umanong security guard sa naturang building na pagaari ni King. Hindi pa mabatid ang motibo sa pagpatay, ngunit galing umano si Kung sa Cebu at nagpunta lamang sa Davao City upang dumalo sa isang pagtitipon ng Vital-C, isang sa mga produkto ng negosyante.
Hindi pa mabatid kung may surveillance camera ba sa naturang building o wala. Walang umako sa pagpatay kay King, ngunit sinisilip naman ng mga awtoridad kung may kinalaman ito sa kanyang negosyo.
Marami rin itong negosyo at ari-arian sa Boracay at kabilang dito ang Crown Regency Hotel and Resort at maging ito ay sinisilip na rin ng pulisya. Walang ibinigay na pahayag ang pamilyang King ukol sa pagpaslang sa negosyante. (Mindanao Examiner)