KIDAPAWAN CITY — Nadagdagan pa ng dalawa katao ang nasawi sa nangyaring sunog sa Purok Maliwanag, Barangay Buhay, Makilala, North Cotabato nitong Lunes ng hapon.
Ayon kay Fire Officer 3 Rey Pacres ng BFP Makilala, namatay habang ginagamot sa Davao City ang mister ng biktima na si Mosanip Quila alas-3:00 kahapon ng hapon at ang kapatid nitong si Raihanah Quila Balasana na namatay alas-9:00 ng umaga kahapon.
Dahil dito, sumampa na sa anim katao ang nasawi kungsaan unang namatay ang mag-iina na sina Esnayra Quila, 29 anyos at ang tatlong mga anak nito na sina Sohaile Quila, 3 anyos; Sohaina Quila, 2 anyos at si Baby Quila na tatlong buwang gulang.
Sa inisyal na ulat ng BFP Makilala, posibleng ang umusok umano na telebisyon nila ang sanhi ng sunog at mabilis na kumalat ang apoy dahil may nakaimbak na gasolina sa loob ng bahay nila.
Ang gasolina ay gagamitan sana sa chainsaw sa pagputol ng kahoy. Ayon sa ulat ng mga residente sa lugar, nang umusok ang tv ng mga biktima ay lumabas umano ang ina ng tatlong bata at nagpasaklolo.
Pero ng bumalik na ito upang isalba ang mga anak ay sumiklab na ang malaking sunog kaya na-trap na ang mag-ina. Sinubukan ding isalba ng mga kamag-anak ang mga nasusunog sa loob ng bahay pero lumakas pa ang apoy dahil san aka-imbak na gasoline sa loob ng bahay.
Sa kabila nito, ay patuloy pa rin ang pangangalap ng karagdagang impormasiyon ng BFP Makilala para matumbok ang totoong dahilan ng sunog.
Samantala, tiniyak naman ng MSWDO Makilala ang pagbigay ng assistance sa naulilang pamilya ng nasunugan.
Ayon kay MSWD Head Lina Cañedo, nagpaabot na sila ng tulong na pagkain, cash at nag facilitate sa gamutan ng mga biktima sa SPMC Davao.
PHOTO COURTESY OF BFP MAKILALA