KIDAPAWAN CITY – Doble-kayod ngayon ang Bureau of Internal Revenue sa Kidapawan City sa North Cotabato matapos na bumaba ng halos 33 porsyento ang koleksyong buwis ng ahensya simula na ma-ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Ayon kay Revenue District Officer Maca-angcos Ampuan sa panayam ng dxND-Radyo BIDA, base sa nasabing batas, hindi mapapatawan ng buwis ang mga manggagawang sumasahod ng P22,000 pababa.
Inihalimbawa nito ang Department of Education kung saan dati ay nakaka-kolekta sila ng P22 milyon kada buwan, ngunit sa ngayon ay nasa P6 milyon lamang ang nakuha ng BIR at hahabulin pa ng ahensya ang P16 milyong kula sa koleksiyon.
Target ng BIR Kidapawan District na makalikom ng P1.9 bilyon halaga ng buwis ngayong taon.
Dagdag pa ni Ampuan na P40 milyon ang nawawala sa kanilang koleksiyon kada buwan dahil sa TRAIN law. Gayunpaman, ang kulang na koleksiyon ay napupunan naman ng BIR Central Office na mas malaki ang naku-kolektang buwis dahil sa pagpapatupad ng excise tax.
Nanawagan rin si Ampuan sa mga negosyante na magbayad ng kaukulang buwis upang makadagdag sa iba’t-ibang proyekto ng pamahalaang Duterte na mapapakinabangan naman ng mga mamamayan sa pamamagitan ng Build, Build, Build program at iba pang paguukulang ng salapi tulad ng kalusugan, edukasyon at iba pa. (Rhoderick Benez)