
ISABELA (Mindanao Examiner / Jan. 3, 2013) – Bugbog sarado ang isang 69-anyos na lolo sa sariling manungang na lango sa alak matapos nitong awatin ang pambubugbog ng lalaki sa kanyang misis sa harapan ng kanyang mga kainuman sa bulubunduking bahagi ng Barangay Namnama sa bayan ng Jones dito.
Kinilala ni P02 John Medina, ng Jones Municipal Police Station, ang biktima na si Gregorio Castronuevo na ilang araw din lumaban kay kamatayan pero binawian din ito buhay, habang ang suspek naman ay nakilalang si Richard Viluan, 48-anyos at kapwa residente sa nasabing lugar.
Ayon sa pagsisisyasat ng pulisya ay masayang nag-iinuman ang suspek kasama ang iba pang kaibigan ng sunduin ng kanyang asawa pero sa halip na sumama ay nagwala ito at pinagbuhatang ng kamay ang misis.
Mabilis naman namagitan ang kanyang biyenan sa pananakit ng suspek pero pinagbalingan naman ito at siya ang binugbog hanggang sa mawalan ng malay.
Kinuyog naman ng mga kainuman si Richard dahil sa hindi nito tinatantanan ng pambubugbog sa matanda kahit na lamog na ito. (Francis Soriano)