
Sa Zamboanga City ay isang motorsiklo na iniwan naman Sabado ng umaga sa Cathedral ang naglikha ng matinding takot matapos na paghinalaan itong may nakatagong bomba, ngunit wala naman nakita ang miyembro ng Explosive Ordnance Disposal team.
Sa Ipil ay nagkaroon ng malawakang takot matapos na matagpuan ang isang bagahe sa plaza hapon ng Sabado, ngunit wala naman nakitang bomba ang EOD ng army doon, subali’t nauna itong inupuan ng K9 bomb-sniffing dog ng militar.
“May traces kasi ng explosives yun bagahe kung kaya’t nag-react yun aso natin, pero negative naman sa bomba,” ayon sa isang miyembro ng EOD sa Mindanao Examiner.
Ngunit kinagabihan ay isang bagahe na naman ang iniwan sa harapan ng branch ng M. Lhuiller sa downtown Ipil sa kasagsagan ng ulan at inabot ng halos isang oras ang EOD na maingat ang pag-inspeksyon sa naturang balutan.
Nabalam rin ang mga provincial bus at mga sasakyan dahil hindi na pinadaan ang kahabaan ng highway habang tuloy ang trabaho ng EOD ng army.
Napilitan na ilayo ng isang EOD member na balot na balot sa kanyang armor ang naturang bagahe upang hindi ito magdulot ng malaking pinsala kung sumabog man at dinala sa bakanteng lote na kung saan ay doon ito ginamitan ng water jet disruptor upang madisarmahan ang anumang nasa loob nito.
Subali’t wala naman nakitang bomba sa bagahe. “Ginamitan natin ng water (jet) disruptor yun bagahe upang makasiguro tayo, pero mabuti na lamang at walang bomba ito,” ani pa ng isang opisyal ng EOD.
Kamakailan lamang ay isang kotse na iniwan ng dalawang araw sa parking area ng Gaisano Mall sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur ang napaghinalaang car bomb at ginamitan rin ito ng water jet disruptor, at wala naman nakitang bomba sa sasakyan.
Ang disruptor ay ang pangunahing gamit ng mga EOD upang sirain ang anumang electronic component ng bomba sa pamamagitan ng tubig o water jet na tumatagos sa mga bagahe. (Mindanao Examiner)