MAGUINDANAO – Napigilan ng mga awtoridad ang pagsabog ng isang bomba na natagpuan ngayon Marso 11 sa bayan ng Columbio sa Sultan Kudarat province sa magulong rehiyon ng Mindanao.
Hindi pa mabatid kung sino ang nag-iwan ng bomba di-kalayuan sa sentro ng nasabing bayan. Ngunit may hinala ang pulisya na maaaring ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang may pakana nito.
Nitong Martes ng gabi ay isang malakas na pagsabog ang naganap sa labas ng Civil-Military Operations Battalion ng 6th Infantry Division sa Cotabato City, ngunit wala naman nasawi o sugatan sa naturang insidente.
Nabatid na IED diumano ang ginamit doon, ngunit ayon naman sa ibang ulat ay C4 ang sumabog at militar at specialized unit ng pulisya at iba pang law enforcement agencies ang may access sa ganitong uri ng pampasabog. Hindi naman naglabas ng anumang pahayag ang 6th Infantry Division ukol sa pagsabog sa Cotabato at sa nabawing bomba sa Sultan Kudarat.
Patuloy naman ang operasyon ng militar kontra BIFF sa Maguindanao province na katabi lamang ng Sultan Kudarat. At nitong Marso 10 ay 2 sundalo ang inulat na nasawi at 4 iba pa ang sugatan sa labanan doon.
Subali’t iginiit naman ng militar na aabot sa 20 ang nasawi sa panig ng rebeldeng grupo dahil sa bombardment ng mga sundalo sa kabila ng walang bangkay na nabawi ang mga ito.
Kamakailan lamang ay 4 rebelde ang napaslang sa bayan ng Mamasapano sa Maguindanao at ang isa sa kanila ay nakasuot pa ng uniporme ng Special Action Force na pinaniniwalang mula sa mga nasawing police commandos sa labanan nito kontra pinagsanib na puwersa ng BIFF at Moro Islamic Liberation Front noon Enero 25 sa nasabing lugar.
Kinuyog ng BIFF at MILF ang 44 SAF commandos habang papalabas ang mga ito mula sa Barangay Tukanalipao matapos na mapatay ang Malaysian bomber na si Marwan.
Nasa loob ng teritoryo ng MILF ang hideout ni Marwan ng ito’y mapatay ng SAF commandos sa isang sikretong operation na may basbas ni Pangulong Aquino, subali’t bigo naman itong mapigilan o matulungan ang elite unit hanggang sila ay mapaslang sa halos isang araw na labanan. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News