COTABATO CITY – Putok ang balita na sugatan umano ang kilabot na bomber na si Basit Usman sa sagupaang naganap sa Lanao, ngunit wala pang kumpirmasyon ito.
Galing umano sa intelligence ang naturang balita, subali’t sa area ng 6th Infantry Division ay walang impormasyon na nagkaroon ng labanan sa pagitan ng kanilang tropa at grupo ni Usman, na dating commander ng Moro Islamic Liberation Front.
Sinabi ni Capt. Jo-ann Petinglay, ang spokeswoman ng 6th Infantry Division, na baka sa lugar na sakop ng 1st Infantry Division naganap ang sagupaan.
“Nakausap ko ngayon lang yun G3 (operations division) at wala po naman information about clashes (between our troops and Usman). Baka sa 1st Infantry Division area na yan,” ani Petinglay sa panayam ng Mindanao Examiner kahapon.
Walang ibinigay na anumang pahayag ang 1st Infantry Division ukol dito, ngunit sakop nito ang Western Mindanao, kabilang ang Lanao del Sur.
Nakatakas si Usman sa ilang operasyon ng militar sa Central Mindanao, partikular sa Maguindanao, na bahagi naman ng magulong Autonomous Region in Muslim Mindanao mula pa nitong mga nakalipas na buwan.
Sabit si Usman sa maraming pambobomba sa Mindanao at kabilang sa order of battle ng pamahalaan. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News