DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Jan. 19, 2012) – Ipinabalik ng mga awtoridad sa Davao City mula Zamboanga ang prime suspect sa pambobomba ng convoy ni Sulu Gov. Sakur Tan matapos na pigilan ng Supreme Court ang pulisya na dalhin ito sa lalawigan upang harapin ang kaso laban sa kanya.
Si Timogen Tulawie, alias Cocoy, ay nadakip nuong nakaraang linggo sa kanyang taguan sa Elenita Heights sa Davao City matapos ng mahigit sa dalawang taon pagtatago sa batas.
Inilipad ito sa Zamboanga City upang iharap kay Judge Leo Princepe sa Sulu na siyang naglabas ng warrant of arrest laban kay Tulawie, ngunit inapela naman ng mga abogado nito ang kautusan ng korte at pilit na inilipat sa Davao ang kaso.
Nuong 2009 ng pasabugan ng mga hinihinalang Abu Sayyaf ang convoy ni Tan sa bayan ng Patikul at 11 katao ang sugatan, kabilang ang prominenteng pulitiko matapos na sumambulat ang bomba na inilagay sa nakaparadang motorsiklo sa kalsada.
Dalawang Abu Sayyaf ang nadakip matapos ng labanan at itinuro si Tulawie na umano’y utak ng bigong pagpatay, ayon kay Zamboanga City Prosecutor Ricardo Cabaron.
Ito rin ang sinabi ng pulisya, ngunit pilit naman na itinanggi nin Tulawie ang akusasyon sa kanya at ginamit umano nito ang kanyang pagiging aktibista upang makakuha ng simpatya mula sa mga human rights groups at peace advocates sa Mindanao na siyang nagbibigay sa kanya diumano ng proteksyon.
Nais naman ng pulisya at militar na ilipat na lamang si Bicutan si Tulawie at doon gawin ang hearing ng kaso laban sa kanya. Nangangamba umano si Tulawie sa kanyang siguridad kung sa Sulu ito gagawin, bagama’t tagaroon ito.
Inulat naman ng ABS-CBN Zamboanga na bagamat nasa bilangguan si Tulawie ay inihingi pa nito ng tulong mula sa mga kapwa aktibista ang isang hinihinalang Abu Sayyaf bomber na si Abu Esmael na dinakip sa Basilan province kamakailan.
Sabit umano si Esmael sa mga kidnappings at terorismo. Tulad ni Tulawie at itinanggi rin ni Esmael ang lahat ng paratang laban sa kanya.
Ayon sa pulisya at militar ay hindi naman mabatid kung bakit sa tuwing may pinapatay ang Abu Sayyaf sa Sulu at Basilan o kaya ay may dinudukot ay walang pahayag man lang at hindi ito kinokondena ng mga human rights groups at peace advocates na dumidepensa kay Tulawie. (Mindanao Examiner)