
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Feb. 25, 2013) – Ingat sa pag-inom ng fresh buko juice, lalo na kung hindi sigurado sa kalinisan at kung paano ito inihanda.
Ito’y matapos na maispatan ang mga nagkalat na nagbebenta ng buko juice sa bagsakan ng mga gulay sa palengke ng Santa Cruz sa Zamboanga City na kung saan ay nakunan pa ng video ang aktwal na paghahanda nito.
Sa video ay makikitang walang gamit na anumang guwantes o gloves ang isang matandang lalaki na ang tanging gamit lamang ay ang kapirasong pang-kayod nito ng laman ng buko.
Wala rin itong suot na mask o kaya ay takip sa mukha maliban lamang sa kanyang sombrero. Mismong sa tabi rin ng kalsada ginagawa ang pagbibiyak ng mga buko at pagsalin ng tubig nito sa isang malaking plastic container. Maging ang mga maruming daliri nito ay sumasayad na sa buko sa kanyang pagkayod.
Dedma rin ito sa mga dumaraan na mga mamimili. Kapuna-puna rin na wala itong permiso mula sa City Health Office sa paggawa ng buko juice na ibinibenta sa halagang P10 bawat isang baso. Maging ang paglalagay nito ng selyo sa mga baso ay tubig na maiinit lamang ang gamit.
Talamak ang ganitong gawain sa naturang palengke at ang ilan ay gumagamit pa umano ng tinatawag na “magic sugar” na gawa mula sa kemikal na sodium cyclamate na banned naman sa Zamboanga dahil umano sa banta sa kalusugan sanhi ng carcinogen properties nito na nakakadulot ng cancer sa mahabang panahon ng paggamit.
Wala rin umano o madalang ang pagbisita sa palengke ng mga health inspectors kung kaya’t namamayagpag ang ganitong gawain. Minsan ay nakunan rin ng larawan ang isang binatilyo na umihi sa cellophane sa loob mismo ng tindahan ng mga buko at juice sa Santa Cruz na kanyang binabantayan at saka ito itinapon sa mga nakatambak na mga basura sa di-kalayuan. (Mindanao Examiner)