
ZAMBOANGA DEL SUR (Mindanao Examiner / Feb. 17, 2012) – Nanganganib ngayon ang malaking bahagi ng kabundukan ng Balabag, isang sitio sa bayan ng Bayog sa Zamboanga del Sur dahil sa banta ng walang humpay at talamak ng illegal mining activities doon.
Isang paaralan ng elementarya ang nilikas na rin ng mga guro at estudyante matapos na magbitak-bitak ang lupang kinatitirikan nito sanhi ng mga hinukay na tunnels ng mga illegal miners doon.
Namumutiktik na rin ang kabundukan ng Balabag sa maraming mga tunnels na siyang naging dahilan na rin ng maraming kamatayan doon ng mga laborers na nalilibing ng buhay sa tuwing guguho ang mga lungga.
Wala rin humpay ang ilegal na pagpapasabog ng mga minero doon sa tuwing gabi at mistulang war zone ang lugar dahil sa kaliwat-kanan na blasting doon gamit ang mga homemade bombs.
Nabatid na pawang armado rin ang mga financiers ng mga illegal mining sa Balabag at patuloy ang pagpupuslit doon ng mga ammonium nitrate at blasting caps na siyang pangunahing sangkap at materyales sa mga improvised explosives na ginagamit ng mga minero.
Malawakan rin ang child labor sa Balabag at maging mga teenager ay mistulang mga alila sa naturang minahan. Kalimitan naman ng mga ball mills ay nasa ilalim ng bahay ng mga minero at malayang nakakagamit ang mga ito ng cyanide at nitric acid na siyang pangunahing dahilan ng matinding polusyon sa Balabag.
Mistulang Compostela Valley province na ang kabundukan ng Balabag dahil sa daan-daang pamilya na sabit sa illegal mining.
Wala rin permit mula sa Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources ang mga financiers ng illegal mining. May mga ulat pa na nasa payroll rin ng mga ito ang ilang mga diumano’y “fly-by-night” na mamamahayag o nagpapanggap na mga reporters at maging ang organisasyon ng National Union of Journalists of the Philippines ay ginagamit diumano bilang mga outfit o outlet ng mga ito.
Inamin naman ng MGB sa Western Mindanao na talamak ang problema sa Balabag at nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa mga kinauukulan at awtoridad upang mapatigil ang operasyon ng mga ilegal na minero doon.
“Yes, with regards to the problem diyan sa small scale is meron tayong small scale community diyan, mga informal small scale ito ay katulad sa problema rin natin sa Pantukan and Diwalwal sa Compostela Valley. May gold rush area tayo dito na since I assumed office here na-realize ko na may problema yang area na yan about this,” ani Albert Johann Jacildo, ang MGB regional director, sa panayam ng Mindanao Examiner.
Alarmado naman si Jacildo sa naganap na paglikas ng mga magaaral sa Balabag dahil ginapang na ng mga minero at sala-salabat na ang mga tunnels sa ilalim nito.
“May report kami last week about this. Yung mga photographs nga na pinakita rito ay nabibiyak yung mga lupa doon sa paaralan which may post real danger sa ating mga magaaral. So, yung aking office naman ay, we wrote yung bagong police regional director na si Chief Superintendent Napoleon Estilles na we are asking their help kasi this involves yung explosives at sila kasi ang may control ng pag-move ng explosives within this region,” ani pa ni Jacildo. (Mindanao Examiner)