
CAGAYAN DE ORO CITY – Apat na katao ang sugatan matapos na sumabog nitong Miyerkoles ng tanghali ang isang bomba na itinanim sa loob ng pampasaherong bus sa lalawigan ng Surigao del Norte sa Mindanao.
Sumabog ang bomba ilang minuto matapos na huminto ang bus na pagaari ng Bachelor Express dakong tanghali sa Barangay Hayanggabon sa bayan ng Claver. Patungo ang air conditioned bus sa Tandag City mula Surigao City na maganap ang malakas na pagsabog.
Agad nagpadala ang militar ng tropa mula 30th Infantry Battalion upang tulungan ang lokal na pulisya na ma-secure ang naturang lugar habang patuloy ang imbestigasyon sa pagsabog.
Sinabi naman ni Army Major Ezra Balagtey, ang spokesman ng Eastern Mindanao Command, na nangangalap ng ebidensya ang pulisya upang matukoy kung anong uri ng bomba ang ginamit sa pagsabog. “The incident caused damage to the bus and four people were wounded in the blast,” ani Balagtey sa pahayag nito sa Mindanao Examiner.
Dahil sa lakas ng pagsabog ay nabutas ang kaliwang tagiliran ng bus na kung saan ay hinihinalang pinag-iwanan ng bomba. Walang umako sa atake, ngunit naganap naman ito sa kabila ng mahigpit na seguridad na pinaiiral ng pulisya at militar matapos na mapatay ng Special Action Force commandos si Malaysian bomber Zulkifli bin Hir, alias Marwan, nitong Enero 25 sa bayan ng Mamasapano sa lalawigan ng Maguindanao.
Ngunit 44 SAF commandos rin ang nasawi sa operasyon matapos na makasagupa nila ang puwersa ng Moro Islamic Liberation Front habang papatakas matapos na matagumpay na operasyon sa pagpatay kay Zulkifli. Napasok kasi ng commandos ang kuta ng MILF na noon nakaraang taong lamang ay lumagda sa peace agreement sa pamahalaang Aquino. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and https://mindanaoexaminer.com/
Share The News