
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Feb. 22, 2014) – Patay ang isa umanong drug pusher at sugatan naman ang dalawang parak matapos na magkaroon ng sagupaan kaninang umaga sa Isabela City sa Basilan, na bahagi naman ng Muslim autonomous region sa Mindanao.
Isang buy-bust operation ang isinagawa ng pulisya ngunit nakatunog umano ang suspek kung kaya’t nanlaban ito hanggang sa mapatay. Nasakote naman ang tatlong iba pa, kabilang ang isang babae, sa isang bahay sa Barangay La Piedad at doon tumambad ang mga hinihinalang shabu.
Sinabi ng pulisya na nabawi rin nila ang ilang mga armas at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid kung saan galing ang mga droga na ibinabagsak sa Isabela City at kung sino ang nasa likod nito.
Kabilang sa mga naglunsad ng operasyon ay mga sundalo mula sa Philippine Army na nagsilbing back-up sa mga parak. Ayon sa pulisya ay nadala agad sa pagamutan ang dalawang parak na sugatan sa labanan. (Mindanao Examiner)