DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Dec. 13, 2011) – Isang dayuhan umano ang nagbigti sa loob ng kanyang hotel room sa lungsod ng Davao na kung saan ay ilang araw na itong naka-billet.
Hindi pa mabatid ang dahilan sa kanyang pagpapatiwakal, ngunit nakilala ito na si Kevin Lewis, isang Canadian, ayon sa mga papeles na nabawi sa kanyang silid, at gayun na rin sa talaan ng hotel.
Natagpuan ang bangkay ni Lewis matapos na ipaalam sana sa kanya ng hotel staff na lipas na ang kanyang check out time nuong Lunes. Wala umanong sumagot sa kuwarto kung kaya’t pinasok na lamang ito ng mga house keepers at doon bumulagta sa kanila ang bangkay ng dayuhan na nakabitay sa banyo.
Isang sinturon umano ang ginamit sa pagbibigti. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung may foul-play sa naganap.
Hindi naman naglabas ng pahayag ang embahada ng Canada sa naganap sa kanilang citizen. (Mindanao Examiner)