
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Oct. 26, 2012) – Mariing binatikos ng Commission on Human Rights ang pagaalok ni Davao City Vice Mayor Rodrigo Duterte ng P5 milyon bounty sa ulo ng umano’y notoryosong lider ng isang carnapping group.
Ang P4 milyon ay para sa sinumang makakapatay kay Ryan Yu at P2 milyon naman kung ito’y maaresto ng buhay at P5 milyong pabuya sa sinuman makapagdadala ng ulo nito sa kanyang tanggapan. Bukod pa ito sa P50,000 pabuya makakahuli sa bawat miyembro ng grupo ni Yu.
Sinabi pa ni Duterte na kahit sino ay maaring maging bounty hunter, kahit pa ang New People’s Army.
Si Yu ay nakatakas matapos na lusubin kamakailan ng pulisya ang kanyang hideout sa Davao na kung saan ay taguan rin ito ng mga ninakaw na sasakyan.
Ngunit pinalagan naman ito ng Commission on Human Rights at sinabing kahit sino ay may karapatan sa ilalim ng batas at maging mga kriminal ay pantay ang karapatan sa sinuman, ayon pa sa ahensya.
Tinawag naman ng ‘morbid’ ng pulisya sa Davao ang naturang pagpataw ng kautusan sa buhay ni Yu. Hindi naman mabatid kung saan nagtatago ngayon si Yu at kung ito ba ay nasa bansa pa o nakasibat na sa abroad. Subalit sinabi ng pulisya na marami silang natatanggap na impormasyon mula sa mga tipster ukol sa kinalalagyan ni Yu.
Talamak ang patayan sa Davao City na kagagawan umano ng mga vigilante na binansagang ‘Davao Death Squad’ at maging mga menor-de-edad na sabit sa mga krimen ay pinaslang rin. (Mindanao Examiner)