
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 15, 2014) – Sugatan ang isang 28-anyos na copra seller at isang bata matapos silang ratratin ng di-kilalang armado sa magulong lungsod ng Zamboanga.
Sinabi ng pulisya na posibleng holdap ang motibo sa pamamaril kay Jeffrey Tubat at sa 8-anyos na batang kasama nito. Naganap ang atake sa Sito Tagpangi sa Barangay Vitali na kung saan ay nagbenta umano ng copra si Tubat na isa rin habal-habal driver.
Nabatid kay Chief Inspector Ariel Huesca, ang tagapagsalita ng pulisya, na parehong tinamaan ng bala sa katawan ang mga biktima na mga residente rin ng naturang lugar.
Natangay rin umano ng salarin ang P4,000 dala ni Tubat. Mabilis na tumakas ang holdaper, subali’t hindi naman mabatid kung nakilala ba ng dalawang biktima ang umatake sa kanila.
Talamak ang barilan, patayan at maging ang serye ng kidnappings sa Zamboanga at ikinababahala ito ng publiko. Maging mga negosyante ay apektado na rin ng mataas na kriminalidad sa Zamboanga at ilan sa mga ito ay inilipat na sa ibang lugar ang kanilang mga pamilya at anak sa takot na madukot o mabaril. Kalat ang mga hired killers sa Zamboanga na siyang nasa likod ng maraming pamamaslang. (Mindanao Examiner)