
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Mar. 19, 2012) – Sugatan ang isang security guard matapos na pasabugan ng granada ang Cotabato City Hall sa magulong rehiyon ng central Mindanao.
Ayon sa ulat ng pulisya at militar ay naganap ang atake kamakalawa ng gabi matapos na pasadahan ng dalawang lalaki na nakasakay ng motorsiklo ang naturang lugar. Kinilala naman ng pulisya ang sugatan na si Danilo Opam.
Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad ay nabatid na isang MK2 fragmentation grenade ang ginamit ng mga salarin sa naturang pagpapasabog, subali’t hindi pa malinaw ang motibo nito.
Inaalam rin ng pulisya kung target ng atake ang security guard o kung may kaaway ba ito, at kung konektado ang pagsabog sa bigong pagpatay kay Vice Mayor Muslimin Sema nitong taon lamang.
Wala rin umako sa pagsabog na naganap kahit napakaraming deployment ng parak at sundalo sa magulong lugar. (Mindanao Examiner)