
Mga sundalo na siyang nagtatanggol sa Zamboanga City mula sa Moro National Liberation Front na lumusob sa ibat-ibang barangay ngayon Lunes. (Mindanao Examiner Photo)
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Sept. 9, 2013) – Inilagay ngayon ng pamahalaan sa 9 oras na curfew ang buong Zamboanga City at kabilang dito ang media habang patuloy ang krisis dahil sa paglusob ng Moro National Liberation Front dito.
Mahigit sa 200 katao ang bihag ngayon ng MNLF sa ilalim ni Nur Misuari at patuloy ang pagbabantay ng militar at pulisya sa Barangay Santa Catalina na kung saan ay naroon ang mga tauhan ng dating rebelde.
Kagabi ay inanunsyo nina Zamboanga City Mayor Maria Isabelle Salazar at Interior Sec. Mar Roxas ang paglalagay ng curfew, ngunit inalmahan naman ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas at ng mga mamamahayag ang pagsasama ng media sa naturang kautusan.
Sinabi pa ni Salazar na ang mga lalabag sa curfew ay huhulihin at iimbestigahan. Ang curfew ay magsisimula ng alas 8 ng gabi hanggang alas 5 ng umaga at ayon sa mga mamamahayag ay makakaapekto ito sa trabaho ng media upang mabigyan ng impormasyon ang publiko.
“You are not (James Bond) 007, o sundalo and your job is to report the story and not be a part of it,” hirit ni Roxas at sinisi pa nito ang media na kalimitan umano ay nasa kalagitnaan ng sitwasyon.
Dahil sa hirit ng media ay sinabi ni Salazar na magbibigay sila ng pass sa mga mamamahayag upang makapag-trabaho kahit sa gabi habang patuloy ang krisis. Sinabi ni Salazar na mahalaga umano ang kaligtasan ng mamamahayag.
Idineklara rin ni Salazar na walang pasok sa lahat ng antas ng klase habang may krisis. Paralisado ang buong Zamboanga at halos 95% ng commercial establishments ay sarado dahil sa labanan.
Kaliwa’t kanan ang pagpapasabog ng rocket propelled grenades ng mga MNLF fighters sa kasagsagan ng sagupaan at 6 katao ang kumpirmadong patay at 24 naman ang sugatan.
Libo-libo rin ang nagsilikas ng kanilang bahay sa takot na mabihag o mapatay ng mga armadong grupo na nagtatago sa mga bahay-bahay kung kaya’t hirap ang militar at pulisya na makipagsabayan. May mga napatay rin MNLF fighters at sinasabing mahigit sa isang dosena ang nadakip ng mga awtoridad. (Mindanao Examiner)