
Mayor Maria Isabelle Salazar
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Oct. 20, 2013) – Pinapalagan na ng ibat-ibang sektor ang patuloy na pagpapatupad ng curfew hours sa Zamboanga City at maging mga negosyante at publiko ay apektado na ng kautusan ng Crisis Management Committee sa ilalim ni Mayor Maria Isabelle Salazar.
Mahigit sa dalawang dosenang katao naman ang pinagdadakip sa Zamboanga sa loob lamang ng dalawang gabi dahil sa paglabag sa curfew na inilabas ni Salazar halos isang buwan na matapos ng labanan sa pagitan ng militar at rebeldeng Moro National Liberation Front.
Mula alas 8 ng gabi naging alas 12 ng hating gabi na ang curfew na tumatagal hanggang alas 4 ng umaga, ngunit hindi naman mabatid kung bakit nagpapatuloy ito hanggang sa kasalukuyan at maraming mga sector ang apektado ng nasabing kautusan ng CMC.
Kinukuwestyon na rin ito ng ilang mga konsehal at negosyante at iba pang grupo dahil mistulang may umiiral na martial law sa Zamboanga sa pagpapatupad ng curfew hours. Maging mga provincial buses na bumibiyahe patungong Zamboanga mula Cagayan de Oro at Pagadian City ay hindi na rin makapasok dito sa gabi dahil sa curfew.
Halos gabi-gabi ay may napapaulat na nahuhuli sa paglabag ng curfew at ang mga nadarakip ay ikinulong ng pansamantala. Hindi naman malinaw sa kautusan kung anong parusa ang ipapataw sa mga lumalabag nito.
Sa mga ilang pagkakataon ay pinapauwi rin ng pulisya ang mga nahuhuli matapos na mapaalam sa kanila ang ipinapatupad na kautusan ng CMC. Bagsak rin ang mga negosyo, partikular ang mga restaurant at hotel at iba pa dahil sa curfew.
Sinasabi naman ni Salazar na ang curfew ay sa kadahilanan ng patuloy na clearing operations ng militar at pulisya sa mga barangay na sinakop ng mga rebelde. (Mindanao Examiner)