
MANILA (Mindanao Examiner / Feb. 6, 2013) – Pinuri ng Alab Ng Mamamahayag (Alam) party list group ang Supreme Court sa desisyon nitong bigyan ng indefinite temporary restraining order ang pagpapatupad sa kontrobersyal na Cybercrime Prevention Act of 2012 matapos lumipas at mapaso ang 120-araw na pansamantalang palugit nito.
Ang extension ay sagot sa petisyon ng 15 grupo laban sa kontrobersyal na batas na nagsasakriminal sa libelo sa internet.
Sa isang pahayag sa media, sinabi SC acting information chief Atty. Gleo Guerra na ang indefinite extension ay magpapatuloy hanggang walang utos Korte na itigil ito.
Ayon kay ALAM chairman Jerry Yap, tama lamang na ipahinto ng Supreme Court ang pagpapatupad ng Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil batay sa Seksyon 4 (c) (4) ng nasabing kautusan, ang electronic libel ay lumalabag sa mga karapatan ng isang tao sa tamang proseso, pantay na proteksyon sa ilalim ng batas, at malayang ekspresyon.
Laban din umano ito sa double jeopardy law.
Kamakailan lamang ay muling pinigil ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng kontrobersyal na batas na cybercrime sa gitna ng alalahaning malubhang pag-abuso sa kalayaan sa Internet.
Ayon naman kay Justice Secretary Leila de Lima, dahil sa bagong temporary restraining order sa nasabing panukalang batas ay hindi ito maipatutupad, ngunit iginiit naman ng opisyal na nakabinbin lamang ang pagpapasiya upang mapag-aralang mabuti ang merito ng mga petisyon.
Pinirmahan ni President Benigno Simeon Aquino III ang nasabing batas noong Setyembre 2012 sa gitna ng malaking protesta dahil sa mabigat na pataw ng pagkakulong para sa online libel at pagbibigay ng kapangyarihan sa estado upang i-shut down ang mga website at subaybayan ang mga online na aktibidad.
Noong Oktubre, nag-isyu ang SC ng apat na buwang injunction sa pagbibigay diin na mismong si chief lawyer, Solicitor-General Francis Jardeleza ay nagsabing ang pagpapasara ng mga websites ay maaaring ilegal nga.
Gayunman, sinabi rin ni Jardeleza na hindi ito sapat na dahilan upang ibasura ang buong batas. (Nanet Villafania)