
MANILA (Mindanao Examiner / Sept. 18, 2012) – Inalmahan ng mga mamamahayag ang pagpapatupad ng Cybercrime Law (Republic Act 10175) dahil sa posibleng epekto nito sa malayang pangbabalita.
Hindi rin payag ang grupong Alab ng Mamamahayag na maipatupad ito at ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap ay hindi katanggap-tanggap sa mga lehitimong mamamahayag na pati sa Internet ay makakasuhan pa ng libel ang sinumang user.
Ani Yap, kapag naipatupad ang Cybercrime Law, mamo-monitor ng 24/7 ang sinumang gumagamit ng Internet, kahit pa mga ordinaryong bloggers lamang. Maidedemanda rin sila ng libel gayong ni hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin nito.
“Magagalit sa atin ang mga kabataan at estudyanteng na mahilig mag-blog,” ani Yap. “Ni hindi nga nila alam kung ano ang ibig sabihin ng libel, pagkatapos, madedemanda sila.”
Sinabi pa ng Yap na dating National Press Club President na ang social network na lamang ang tanging lugar kung saan nakakapagpahayag ng damdamin ang taumbayan na wala silang kinatatakutan.
Sa Pilipinas din lamang umano mayroong Cybercrime Law dahil napakaraming sensitibong opisyal ng gobyerno ang nagsulong nito.
Idinagdag pa ni Yap na ang isinusulong ng mga mamamahayag at ng taumbayan ay ang maipasa na ang Freedom of Information (FOI) Bill na inaamag na sa Kamara at hindi ang Cybercrime Law na sa halip makatulong ay makasasagka pa sa kalayaan sa pagpapahayag.
Ngunit sa halip umanong ipasa ang FOI Bill, isiningit pa ni Samar Rep. Ben Evardone ang Right of Reply (ROR) kaya lalo itong nabagoong sa Kamara.
Ayon naman kay ALAM President Atty. Berteni Causing ay labag sa batas ang Cybercrime Law kung ang pagbabasehan ay ang Section 3 ng Artikulo III ng 1987 Konstitusyon o Right to Privacy of Communication.
Labag din umano sa batas ang Section 4 p5 ng Cybercrime law dahil ang libel mismo ay labag sa batas.
Sa Article 353 of the Revised Penal Code of the Philippines, ang libel ay malisyosong pagdidiin, totoo man o hindi, o anumang paraan upang dungisan ng dangal ang isang tao, gamit ang anumang impormasyong naisulat. (Nenet Villafania)