
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Feb. 28, 2012) – Isang lalaki ang nagbigti matapos na umano’y mawalan ng komunikasyon sa kanyang asawa na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Ayon sa pulisya ay natagpuan ng mga kapit-bahay ang bangkay ni Anthony Perez na nakabigti sa loob ng bahay ng kanyang kapatid na si Maricor Candido sa Barangay Mercedez na kung saan ay pansamantala itong naninirahan.
Nabatid na ilang buwan na umanong hindi sumusulat ang asawa ni Perez sa kanya sa hindi pa mabatid na kadahilanan at wala rin trabaho ang lalaki.
Matagal na umanong napupuna ang depresyon ni Perez dahil ilang beses na rin umano itong naghanap ng baril upang wakasan ang kanyang buhay.
Hindi rin masabi ng pamilya ni Perez ang dahilan kung bakit tumigil ang asawa ng biktima sa pagsusulat sa kanya. Hindi rin binigay ng pamilya ang pangalan ng babae. (Mindanao Examiner)