
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 6, 2012) – Sinampahan na ng kasong kriminal kahapon ng pulisya ang isang lalaki na pumatay sa sinusuyong dalaga matapos na pumalag ang babae sa yakap at halik nito.
Nakapiit na sa bilangguan si Arnel Calzote, 21, matapos itong maaresto dahil sa pagpatay kay Cristina Apable, 19, sa Barangay Vitali nuong Lunes.
Nabatid na nagalit umano si Calzote ng tanggihan ng babae ang yakap at paghingi nito ng halik sa harapan pa mismo ng ina ng biktima. Tumayong testigo ang ina ng biktima at isinalaysay sa pulisya na pinagtataga umano ni Calzote ang babae.
Hinabol rin ni Calzote ng taga ang ina ngunit nakatakbo ito at humingi ng saklolo sa mga tao at nadakip ang salarin.
Inamin naman ni Calzote ang krimen at sinabing nasaktan ito sa pagtanggi ng babae sa kanyang yakap at halik dahil matagal na umano niyang nililigawan ito. Sinabi pa ni Calzote na sa katunayan ay mamanhikan sana ito sa mga magulang ng babae upang hingin ang kamay ng dalaga.
“Hindi ako nagsisisi sa ginawa ko at kung ayaw niya sa akin ay walang ibang makikinabang sa kanya. Nasaktan ako ng husto sa ginawa niya sa akin,” ani Calzote sa kanyang selda.
Hindi pa mabatid kung magsasampa ang ina ng karagdagang kaso laban kay Calzote sa pagtatangka nito sa kanyang buhay. Murder ang isinampang kaso ng pulisya laban sa lalaki. (Mindanao Examiner)