
CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / May 22, 2012) – Dinukot umano ng mga armado ang dating alkalde ng bayan ng Carrascal sa Surigao del Sur sa Mindanao.
Ayon sa pulisya ay hinila ng walong armado si Engr. Victor Lim, 67, mula sa kanyang field office sa Barangay Enabarcadero kamakalawa. Si Lim ang presidente ng Carrascal Integrated Enterprise sa nasabing bayan.
Walang umako sa pagkawala ni Lim, subalit may hinalang sabit ang mga rebeldeng New People’s Army sa pagdukot. Ngunit hindi rin isinasantabi ng mga awtoridad na may kinalaman sa ransom, extortion o business rivalry ang dahilan nito.
Unang napaulat na nawawala si Lim at driver nitong si Julius Arnego kung nabahala ang pamilya ng dating alkalde. Ngunit ayon sa pulisya ay nagtungo sa kanila ang driver upang sabihing dinukot nga ng mga armado si Lim.
Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye ang pulisya ukol sa naganap at pinaghahanap na umano ang biktima. Wala rin pahayag ang pamilya nito, ngunit ito na umano ang ikalawang pagkakataon na dinukot si Lim at nuong 1990’s ay hinila rin ito ng mga di-kilalang armado. (Mindanao Examiner)