
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Feb. 22, 2014) – Lalo pang hinigpitan ng mga awtoridad ang pagbabantay at kampanya nito kontra droga sa Davao City matapos na malansag ang isang drug den doon na kung saan ay 7 katao ang nasawi sa sagupaan sa pagitan ng mga alagad ng batas at drug pushers.
Wala pa umanong ulat na natatanggap ang militar sa Mindanao ukol sa posibleng pagpasok ng mga droga, partikular ang shabu, na kasama sa mga ipinupuslit na bigas sa rehiyon.
Ito’y matapos na lumutang ang balita na sinabi diumano ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na may posibilidad na kasama sa rice smuggling ang mga droga. Kamalawa lamang ay 7 hinihinalang drug pushers o users ang nasawi sa diumano’y sagupaan sa Barangay Ilang sa Davao City. Mahigit sa dalawang dosenang katao rin ang nadakip o inimbitahan ng pulisya kaugnay sa naganap.
Karamihan sa mga nasawi ay pawang mga Muslim na nanlaban umano sa mga alagad ng batas na magsisilbi sana ng search warrant sa mga bahay na itinuturing na drug dens dahil sa talamak ng bentahan ng droga sa lugar.
“Wala kaming report about it na may mga ipinupuslit na droga na kasama sa mga smuggled rice sa Davao City. Pero mahigpit ang koordinasyon natin sa mga awtoridad,” ani Capt. Alberto Caber, ang spokesman ng Eastern Mindanao Command, sa Mindanao Examiner.
Sinabi nitong mahigpit ang pagpapatupad ng mga awtoridad sa batas sa Davao City kung kaya’t madaling malaman kung may mga malakihang smuggling activities doon. Ang militar ay may memorandum of agreement sa pulisya na tutulong ito sa anti-smuggling drive ng pamahalaan.
Ito rin ang sinabi ni Task Force Davao commander Lt. Col. Casiano Monilla at ayon sa opisyal ay wala rin silang ulat ukol dito, ngunit tumutulong sila sa Philippine Drug Enforcement Agency at pulisya kung kailangan sa mga operasyon.
“Wala rin kaming report about that kasi under sa PDEA yan at tumutulong lamang kami sa kanilang kung may operasyon. Ang role namin dito talaga eh to thwart terrorism at magbantay sa mga entry at exit points ng Davao,” ani Monilla sa hiwalay na panayam.
Ngunit karamihan sa mga shabu na kumakalat sa bansa ay mula rin sa mga sikretong laboratoryo na pinatatakbo ng mga sindikatong Intsik sa ibat-ibang lugar sa Luzon. At ilang ulit na rin natimbog ang karamihan sa kanila.
Naunang nagbanta si Duterte na papatayin nito ang rice trader na si Davidson Bangayan, alias David Tan, kung mahuhuli nitong nagpupuslit ng bigas sa Davao City. Ito rin ang kanyang sinabi sa Senate inquiry ng siya ay ipinatawag kasama si Bangayan na nagooperate rin sa Davao City at iba pang bahagi ng bansa.
Itinanggi naman ni Bangayan ang lahat ng akusasyon sa kanya. (Mindanao Examiner)