
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Jan. 20, 2013) – Umapaw kahapon ang Bangkerohan River sa Davao City at maraming lugar ang lubog sa tubig matapos ng walang humpay na pag-ulan sa Mindanao.
Halos lagpas-tao o hanggang leeg naman ang baha sa San Antonio Subdivision sa Bacaca Road, ngunit nakalikas naman ang mga residente doon bago pa man tumaas ang tubig.
Walang inulat na nasawi sa naturang pagtaas ng tubig sa Davao na noon ay hindi naman binabaha ng matindi. Nuong Hunyo 2011 ay binaha rin ng husto ang Davao City at mahigit sa tatlong dosenang katao ang nasawi at libo-libong pamilya ang apektado ng kalamidad.
Kamakalawa lamang ay lubog rin sa baha ang bayan ng Kapalong sa Davao del Norte province at mahigit sa 300 katao ang nailikas sa ibat-ibang barangay doon na hindi na rin madaanan ng mga sasakyan. (Mindanao Examiner)