
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / July 12, 2013) – Nabigo kahapon ang mga awtoridad na madakip ang 10 mga kidnappers na nakatakas sa Davao City matapos na mapatay ng pulisya ang 3 iba pa.
Unang inulat kamakalawa ng pulisya na 2 ang napatay sa labas lamang ng Allied Bank sa downtown area, ngunit nasawi rin sa pagamutan ang ikatlong suspek. Patuloy naman ang imbestigasyon sa isa pang suspek na nadakip ng pulisya.
Nakatakas ang iba sakay ng dalawang SUV at posibleng nasa katabing mga lalawigan pa ang mga ito.
Kabilang ang mga ito sa 14 umanong kidnappers na siyang dumukot sa negosyanteng Tsinay na si Sally Chua nuong July 5 sa Quezon City at ibiniyahe ito sa barko sakay ng kanilang mga SUV sa Davao City upang doon kolektahin ang P15 milyong ransom mula sa orihinal na P100 milyon.
Nasa loob ng Allied Bank si Sally at ang isa pang bantay nito ng paulanan ng bala ng mga parak ang isang SUV ng mga kidnappers na nakaparada sa labas.
Hindi pa nagbibigay ng anumang pahayag ang mga kinauukulan sa mga identipikasyon o background ng mga kidnappers, ngunit may impormasyon na kabilang sa grupo ay taga-awtoridad subalit hindi matiyak kung ilan.
Palaisipan pa rin sa mga awtoridad kung paanong nakasakay ang mga SUV ng kidnappers at kanilang mga armas sa barko ng hindi natitiktikan ng pulisya o Coast Guard.
Sinabi pa ni Senior Superintendent Ronald dela Rosa, ang hepe ng pulisya sa Davao City, na patuloy ang kanilang imbestigasyon. Nabatid pa na namili pa ng mga pasalubong prutas at candies ang mga kidnappers upang madala ni Chua sa kanyang pamilya sa paglaya nito. May nakahanda na rin itong ticket sa eroplano pabalik ng Maynila.
Ayon kay Dela Rosa ay mismong si Chua ang naghimok sa mga kidnappers na sa Davao City gawin ang bayaran dahil alam nitong mahigpit ang siguridad doon.
Si Chua rin ang sinasabing nagbigay ng timbre sa kanyang pamilya ukol sa pagpunta nito sa Davao upang doon gawin ang bayaran ng ransom kung kaya’t naalertuhan agad ang mga awtoridad.
Hindi pa mabatid kung paanong nagawa ni Chua ang sikretong pagtimbre sa pamilya at kung may kinalaman ba ang cell phone locator at GPS nito upang masundan at mabatid ng pulisya ang kilos ng grupo.
Nagbabala naman si Mayor Rodrigo Duterte sa mga kriminal na wala silang puwang sa Davao City. “I only have one statement. I told the criminals not to fuck it here in the city, period,” ani Duterte. (Mindanao Examiner)