
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Aug. 29, 2014) – Sugatan ang isang mangingisda matapos itong matuhog umano ng needlefish habang sumisisid sa karagatan di-kalayuan sa Bongo Island na sakop naman ng bayan ng Parang sa Maguindanao province.
Nabatid na nangingisda si Alim Amping, 44, ng ito’y matuhog sa kanyang dibdib habang hinahabaol ang mga kumpol ng needlefish. Bumaon sa katawan nito ang matulis na nguso ng isda kung kaya’t agad itong isinugod sa pagamutan ng mga kasamahan.
Mabuti umano at hindi napuruhan sa kanyang puso ang mangingisda kundi ay baka nasawi ito.
Noong nakaraang Setyembre ay isang mangingisda na si Jesus Guererro, 63, ang nasawi matapos itong matuhog ng needlefish sa kanyang lalamunan sa Zamboanga city.
Kasama ni Jesus ang anak at kapatid at nangisngisda sa karagatan sa Barangay Talabaan ng lumukso ang isda at mahagip ito sa lalamunan. Sa kanyang takot ay bigla umanong hinila ni Jesus ang isda sa leeg at nasawi ito sa dami ng dugong lumabas sa lalamunan.
Bihira ang ganitong mga kaso, ngunit nagaganap lalo na sa mga oras na hindi inaasahan. Sa kabila nito ay lubhang masarap na ulam ang needlefish dahil sa maputing laman nito. Kalimitan ay sinigang o tinola ang pangunahing luto sa needlefish. (Mindanao Examiner)