
MANILA (Mindanao Examiner / July 6, 2014) – Mariing kinukundena ng grupong Anakbayan ang naganap na demolisyon ng mga kabahayan nitong kamakailan sa bayan ng San Juan sa Batangas.
Mahigit sa 600 pamilya ang nawalan ng tirahan at hinarass umano sa Barangay Laiya Aplaya ng mga parak at demolition team. Marahas na binuwag ng mga pulis at demolisyon team ang barikadang intinayo ng mga residente para mapigilan ang pagwasak sa kanilang mga kabahayan.
Tinakot pa umano ng mga pulis ang mga residente para lang umalis sa kanilang mga bahay kung kaya’t maramin ang napilitan lumisan.
Bago mangyari ang demolisyon humingi na ng kumpensasyon sa lokal na pamahalaan ang mga nainirhan sa Laiya Aplya, ngunit hindi ito tinugunan ng lokal na pamahalaan.
Imbes na bigyan sila ng maayos na kumpensasyon ang ibinigay ay mga relocation site na madalas binabaha at malayo sa kanilang kabuhayan, at 7,000 pesos na hindi sasapat sa mga nasira nilang ari-arian. Agad din pinabulaanan ng mga residente na nabigyan sila ng 50,000 pesos na kumpensasyon mula sa pamahalaang lokal.
Nanawagan ang Anakbayan sa mga balangay nito na sumuporta sa laban ng mga residente ng Laiya Aplaya at ng iba pang laban ng maralitang lungsod.