
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Apr. 16, 2012) – Ipinagutos na ng Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (MGB-DENR) ang pagpapatigil sa lahat ng illegal mining activities sa lalawigan ng Zamboanga del Sur, partikular sa bayan ng Bayog at iba pang bahagi ng Western Mindanao, dahil sa walang humpay na operasyon ng mga small scale miners doon.
Kamakailan lamang ay nilusob ng mga illegal miners ang joint checkpoint ng DENR, pulisya at militar sa Balabag sa bayan ng Bayog matapos na pigilan ng mga awtoridad ang pagpuslit doon ng mga truck na may kargang diesel na siyang ginagamit ng mga illegal miners sa kanilang operasyon.
Unang inilabas ng Mindanao Examiner ang naturang problema ng mga residente sa lugar dahil sa banta ng polusyon at pagkasira ng kalikasan.
Tensyonado pa rin ang lugar dahil sa dami ng banta ng mga minero muling manggulo upang maipuslit ang mga truck na may lulan ng mga diesel. Ilang truck na rin ang nakapasok sa kabundukan dahil sa panggugulo ng mga minero.
Armado ang mga umano’y financier ng mga small scale miners doon na siya rin nasa likod ng pagpupuslit ng mga dinamita na ginagamit sa pagpapasabog sa bundok upang makagawa ng mga tunnel at makamina ng ginto. Maging ang mga cyanide, nitric acid at mercury at talamak rin ang smuggling doon.
“Illegal mining in this region has become rampant and alarming as it has not only depleted government mineral resources but caused unnecessary violence in affected areas resulting to the loss of people’s lives,” ani pa ni MGB Regional Director Albert Johann Jacildo sa kopya ng kanyang order na nakuha ng Abante.
“In view of this, this office sees it fit and timely to order the stoppage of all forms of illegal mining activities in the region, including bit not limited to small scale mining operations and carbon-in-pulp gold processing. The assistance of all regular law enforcement agencies of government and respective mining contractors and the concerned military and police authorities is hereby enjoined in the implementation of this order,” wika nito.
Lumalala na ng husto ang sitwasyon sa kabundukan ng Balabag dahil sa walang humpay na operasyon doon ng tinatayang 4,000 illegal miners. Lalong nakapagbigay ng problema ang kawalan ng patrulya ng mga sundalo sa naturang lugar na kung saan ay tadtad na ng mga tunnels ang malaking bahagi ng bundok at sa paligrong banta ng landslide dahil nasa danger zone ang nasabing lugar base na rin sa ulat ni Jacildo.
Napagalaman pa na sabit rin diumano sa ilegal mining ang ilang mga opisyal ng pamahalaan sa naturang bayan at naglabas na rin ng kautusan ang Department of the Interior and Local Government na imbestigahan ang naturang alegasyon, ayon kay Leo Santillan, ang tagapagsalita ng Zamboanga del Sur provincial government.
“Malaking problema ang dala nitong mga illegal mining activities at hindi lamang sa kalusugan ng mga tao, ngunit maging sa kapaligiran. May resolusyon na nga ang Zamboanga del Sur Provincial Board na imbestigahan ang mga sabit sa illegal mining dahil may order na rin ang DILG about this. Grabe talaga ang sitwasyon sa Balabag,” ani Santillan.
Naglabas rin ng resolusyon ang 6 na barangay sa kapaligiran ng Balabag, kabilang ang Barangay Depore na siyang may sakop dito, at nanawagan ang mga opisyal nito kay Pangulong Benigno Aquino na ipatigil na ang illegal mining sa bundok na halos dalawang dekada na umanong namamayagpag.
Polluted na umano ang maraming lawa dahil sa tailings o chemical waste mula sa cyanide at mercury na sangkap na siyang ginagamit ng mga small scale miners sa paghiwalay ng ginto sa batong dinurog mula sa mga tunnel, ani Depore Barangay Kagawad Ernesto Mancao.
“Iyan lawa namin eh hindi mo makikitang malinaw ang tubig diyan at dilaw ang kulay niya dahil sa dalang polusyon ng mga illegal miners diyan sa bundok,” sabi pa ni Mancao.
Marami na rin umanong buhay ng mga ‘abanteros’ o mga trabahador sa illegal mining ang nawala dahil sa landslides at pagguho ng mga tunnels. Nanawagan rin ito kay Pangulong Aquino na ipatigil ang talamak na illegal mining sa Balabag.
“Matagal na po namin hinihingi sa gobyerno yan at muli kaming nananawagan sa mahal na Pangulong Noynoy Aquino na ipatigil na po ang illegal mining diyan sa Balabag para sa kapakanan naming lahat,” wika pa ni Mancao.
Wala rin humpay ang paggamit ng mga child laborer sa Balabag at binabayaran ang mga ito ng P20 sa bawat sako ng tinibag na bato na kanilang makukuha sa tunnel. Hindi naman mabatid agad kung bakit walang aksyon ang Department of Social Welfare and Development na iligtas ang mga bata na may mga edad mula 10 hanggang 17 anyos.
Kalat rin sa lugar ang prostitusyon dahil sa mga minerong mula pa sa ibat-ibang lugar sa Mindanao at doon na nagtatrabaho at naninirahan sa Balabag. (Mindanao Examiner)