ZAMBOANGA CITY – Isang bomba na naman ang itinanim ng Abu Sayyaf sa detachment ng militar sa bayan ng Patikul sa Sulu, isa sa 5 lalawigan ng magulong Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Natagpuan ito matapos na balikan ng mga tropa ang naturang outpost sa Barangay Bonbon at agad naman itong dinisarmahan. Ilang beses ng nag-iwan ng mga improvised explosive device o booby trap ang Abu Sayyaf sa mga detachment ng militar sa tuwing wala itong tao.
Gawa sa dalawang mortar bombs ang nasabing bomba. Hindi naman agad makunan ng pahayag ang mayor ng Patikul na si Kabir Hayudini, ngunit ang kanyang bayan ang malimit na pagtaguan ng mga rebelde.
Kamakalawa lamang ay 7 marines ang sugatan matapos na pasabugan ng Abu Sayyaf ang kanilang convoy sa bayan ng Talipao na kung saan ay patuloy ang opensiba ng militar laban sa rebeldeng grupo.
Inilagay ang bomba sa tabing kalsada sa Barangay Lagtoh at saka ito pinasabog ng dumaan ang convoy ng Marine Battalion landing Team 10.
Nadala na sa Zamboanga City ang mga sugatang sundalo matapos itong bigyan ng medical emergency sa Sulu. Tulad ni Hayudini, wala rin pahayag ang mayor ng Talipao na si Raya Tulawie. Taguan rin ng Abu Sayyaf ang bayan ng Talipao.
Kamakailan lamang ay nagpadala ng libo-libong sundalo ang militar sa Sulu upang puksain ang Abu Sayyaf bago ang halalan sa Mayo at sa pagbaba ni Pangulong Aquino. Nitong nakaraang linggo lamang ay binomba rin ng Abu Sayyaf ang isang karaoke bar sa labas lamang ng kampo ng army sa bayan ng Jolo, ngunit wala naman nasawi sa atake. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://web.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share The News
Media Rates: https://mindanaoexaminer.com/ad-rates
Digital Archives: https://issuu.com/mindanaoexaminernewspaper