
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Feb. 26, 2014) – Pinalaya na ng militar ang isang mataas na lider ng Moro Islamic Liberation Front matapos na umalma ang rebeldeng grupo sa pagkakaresto sa kanilang commander sa Cotabato City.
Kinumpirma kahapon ni Mohagher Iqbal, ang MILF vice chairman at chief peace negotiator, ang pagpapalaya kay Ustadz Wahid Tundok dalawang araw matapos itong dakpin habang pauwi sakay ng kanyang pick-up truck mula sa isang meeting sa Camp Darapanan sa bayan ng Sultan Kudarat.
“Ustadz Wahid Tundok is freed,” ani Iqbal sa Mindanao Examiner.
Naunang hiniling ng MILF sa pamahalaang Aquino na palayain agad si Tundok dahil labag sa cease-fire agreement ang pagkakadakip sa kanya ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya. May peace talks ang pamahalaan sa MILF, na ngayon ay ang pinakamalaking rebeldeng grupong Muslim sa bansa.
Sinabi ni Iqbal na hindi dapat inaresto si Tundok dahil sa cease-fire accord, ngunit iginiit ng mga awtoridad na maraming warrants of arrest ang rebeldeng lider dahil sa ibat-ibang kasong kriminal mula arson hanggang pagpatay. Nang tanungin si Iqbal kung satisfied o masaya ba ang MILF sa pagpapalaya kay Tundok ay ito lamang ang kanyang sagot: “Not much, because that should not happen at all.”
Inamin ni Iqbal na posibleng na set-up si Tundok dahil na-monitor ang kanyang galaw mula sa kanyang paglabas sa Camp Darapanan hanggang sa makarating ito sa Cotabato City. “This could be a set up by those who are opposing the peace process,” ani Iqbal at sinabi pa nito na isang loyal MILF leader si Tundok at suportado nito ang peace talks.
Iniugnay rin ng pulisya at militar si Tundok kay Ustadz Ameril Umra Kato, na siya umanong nasa likod ng maraming atake sa Mindanao. Ngunit itinanggi naman ito ni Abu Misry Mama, ang spokesman ng grupo ni Kato na Bangsamoro Islamic Freedom Movement at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at sinabing: “Ustadz Tundok is a leader of the MILF and never was part of our group.”
Pinalagan rin ni Iqbal ang pagkakapatay kamakailan ng mga awtoridad kay MILF commander Yusoph Kusain matapos umanong makipaglaban ito upang pigilan ang pagdakip sa kanya sa bayan ng Datu Paglas sa Maguindanao.
Tikom naman ang bibig ng mga opisyal ng pulisya at militar sa paglaya ni Tundok. Matagal ng nakikibaka ang MILF para sa karapatan ng mga Muslim sa Mindanao. (Mindanao Examiner)