
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Dec. 10, 2012) – Tatlong lalaki na umano’y dumukot sa anak ng isang negosyante ang nadakip ng mga awtoridad matapos na mailigtas ang biktima sa bayan ng Aurora sa Zamboanga del Sur.
Ayon sa ulat ng militar ay dinukot ng mga kalalakihan ang 4-anyos na anak ng isang negosyante sa lalawigan, ngunit naharang naman ng mga sundalo at parak sa checkpoint ang mga suspek na sakay lamang ng isang motorsiklo.
“Dinukot yun bata pero naging mabilis naman yun reaksyon natin kung kaya’t na-apprehend agad natin yun tatlong mga suspects sa isang checkpoint,” ani kahapon ni Capt. Alberto Caber, spokesman ng 1st Infantry Division, sa Mindanao Examiner.
Sinabi ni Caber na hindi pa batid ang motibo sa pagdukot at patuloy ang imbestigasyon sa kaso. “Patuloy pa yun investigation sa kaso at hindi pa natiun mabatid yun tunay na motibo nito,” wika pa ni Caber.
Ngunit may ulat na paghihiganti ang motibo ng pagdukot sa bata at may kinalaman umano ito sa Aman Futures investment trading scam na kung saan ay libo-libong katao ang naloko ng Malaysian con artist Emanuel Amalilio na ngayon ay nasa Sabah na. Umaboit sa P12 bilyon ang natangay ng Aman sa scam.
Walang ibinigay na pahayag ang pamilya ng biktima ukol sa pagdukot sa bata, ngunit pinuri naman ni Maj. Gen. Ricardo Rainier Cruz III, ang commander ng 1st Infantry Division, ang pagkakaligtas sa bata. (Mindanao Examiner)