ZAMBOANGA CITY – Pinalaya na ngayon ng mga kidnappers ang isang guro matapos ng halos 2 buwan pagkakabihag, ngunit hawak pa rin ng grupo ang kapatid nito sa lalawigan ng Sulu.
Kinumpirma ng militar ang pagpapalaya kay Reynadeth Silvano, 31, ngunit mabilis naman itong sinakyan ng mga opisyal at iginiit na dahil umano sa kanilang operasyon ay na-pressure ang Abu Sayyaf na pakawalan ang biktima.
Humingi ng saklolo si Silvano sa mga sibilyan sa bayan ng Jolo at doon ay agad itong dinala sa militar at sa pagamutan para sa isang routine medical examination.
Dinukot si Silvano noon Marso kasama ang kapatid na si Russell Bagonoc,22, sa bayan ng Talusan sa Zamboanga Sibugay province habang patungo sa trabaho.
Hinihinalang pinalaya si Silvano upang makapangilak ng ransom para sa kapatid. Unang humingi ng P10 milyon ang mga kidnappers sa Department of Education kapalit ng mga bihag. Hindi naman sinabi ng militar kung sino ang dumukot sa dalawang biktima.
Nitong Marso lamang ay pinalaya rin ng Abu Sayyaf ang dinukot nitong guro na si Allyn Abdurajak, 44, na nagtuturo sa Sulu School of Fisheries. Pabalik ito sa kanyang bahay sakay ng motorsiklo ng harangin ng mga armado sa bayan ng Indanan. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News