
CAGAYAN DE ORO CITY – Naibalik na rin sa kanyang pamilya kahapon ang isang dinukot na South Korean miner matapos itong mapalaya sa lalawigan ng Lanao del Sur sa magulong Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Natagpuan umano ng mga residente si Sung Ki Yoon sa isang barangay sa bayan ng Saguiran bago maghating-gabi ng Martes at agad itong ipinaalam sa pulisya. Nabatid na alam ng pamilya nito na siya ay palalayain dahil sa Iligan City nagpahatid si Sung na kung saan ay naghihintay doon ang mga mahal nito sa buhay.
Hindi naman agad mabatid kung magkanong ransom ang ibinayad ng pamilya ni Sung sa mga kidnappers. Tikom rin ang bibig ng pulisya kung sino ang nasa likod ng kidnapping o kung may kinalaman ang Abu Sayyaf o mga tiwaling miyembro ng Moro Islamic Liberation Front sa pagdukot sa dayuhan na naka-base sa Cagayan de Oro City.
Kasama ni Sung ang kaibigan nitong parak sakay ng kanyang kotse ng sila’y harangin sa daan habang patungo sa Marawi City sa Lanao del Sur. Hindi naman mabatid kung bakit hindi tinangay ng mga kidnappers ang parak at sa halip ay iniwan lamang ito.
Walang umako sa kidnapping, ngunit sinabi naman ni Army Captain Franco Suelto, ang spokesman ng 1st Infantry Division, na tumutulong na sa kasalukuyan ang mga tropa sa pulisya upang mahanap ang mga kidnappers. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and https://mindanaoexaminer.com/
Share The News