ZAMBOANGA SIBUGAY – Nailigtas ng pulisya ang isang lending collector na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Zamboanga Sibugay province matapos ng umaatikabong habulan at barilan sa bayan ng Imelda.
Bagamat nakatakas ang 5 armado ay nabawi naman ng mga parak si Kathy Grace Cunting, 24, nitong gabi ng Miyerkoles.
Nabatid na pinasok ng mga armado ang bahay ni Cunting at iginapos ang kanyang negosyanteng ina na si Erlinda at mga kasamahan na nakilalang sina with Romeo Paredes, Jimbo Amonsot, Nene Umandam, Derick Joh Naya Jr at 7-anyos na Kenneth Mag-aso bago tumakas tangay ang biktima.
Maging salapi at kanilang mga personal na gamit ay tinangay pa ng mga armado na tumakas gamit ang kotse ng biktima na siya pang pinilit na magmaneho.
Agad naman nakahingi ng saklolo ang ina ni Kathy sa pulisya at hinabol ang mga salarin hanggang sa maharang sila sa checkpoint sa bayan ng Kabasalan at doon na nagkaroon ng barilan hanggang sa maiwan ang biktima at mailigtas ng pulisya.
Walang inulat na sugatan sa panig ng mga awtoridad, ayon kay Insp. Dahlan Samuddin, ang regional police spokesman. Natigil umano ang pagtugis dahil sa kadiliman, ngunit muling nagpatuloy ito kinabukasan, subali’t wala pang balita kung natunton ba ang grupo. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/
Share The News