
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 22, 2014) – Pinugutan umano ng ulo ng Abu Sayyaf ang isa sa dalawang Pinoy na dinukot nito sa lalawigan ng Sulu matapos na mabaril at masugatan sa sagupaan ng teroristang grupo sa militar.
Ayon sa ulat na inilabas ng Anadolu Agency ay nabawi umano ng mga sundalo ang bangkay ni Remegio Lingayan sa bayan ng Indanan na kung saan ay nagsagupaan ang Abu Sayyaf at militar. Dinukot nitong Hunyo 4 si Lingayan kasama ang bayaw nitong si Joselito Gonzales na pawang mga taga-Zamboanga City at mga trabahador sa isang construction project sa lalawigan.
Sinabi pa ng ulat – na mababasa dito http://en.haberler.com/abu-sayyaf-beheads-wounded-hostage-fleeing-gov-t-472952 – na pinugutan si Lingayan dahil nakakabagal umano ito sa pagkilos ng Abu Sayyaf at hindi rin nito nabgyan ng kaukulang lunas ang biktima.
Hindi pa mabatid kung ano ang kinahinatnan ni Gonzales, ngunit may ulat na ito ay nabaril rin. Walang inilalabas na opisyal na ulat o pahayag ang pulisya at militar sa Sulu at Zamboanga City ukol sa ulat ng Turkish news agency, bagamat galing sa militar ang mga impormasyon nito.
Ang tanging inamin lamang ng Western Mindanao Command sa Zamboanga ay ang pagkakapaslang sa 7 sundalo, kabilang ang isang tinyente ng marines, at ang pagkasugat ng 24 sundalo sa naturang labanan. Sampung Abu Sayyaf rin umano ang nasawi sa sagupaan na naganap kamakalawa.
Nabatid na unang humingi ng P12 milyon ang Abu Sayyaf kapalit ng kalayaan nina Lingayan at Gonzales mula sa kanilang pamilya, ngunit mahirap lamang ang mga ito. Bago naganap ang sagupaan ay namahagi ang pamilya ni Lingayan ng mga plastic containers sa Zamboanga upang mangalak ng limos na siyang ipambabayad sa mga terorista.
Hawak pa ng Abu Sayyaf ang ilang mga Pinoy at dayuhan na kanilang dinukot mula sa ibang lugar at dinala sa Sulu na kung saan ay ilang ulit na kinondena ng mga opisyal at residente ang naturang grupo. (May karagdagang ulat mula kay Ely Dumaboc)