Ang sasakyan ng EOD sa Zamboanga City ay markado rin ng pakikidalamhati. (Mindanao Examiner)
MAGUINDANAO – Double- talk nga ba? Ito ngayon ang katanungan na ipinupukol saMoro Islamic Liberation Front matapos nitong pasinungalingan na miyembro nila ang mga armadong kalalakihan sa kumalat na video sa Facebook na makikitang pinagnanakawan ang mga pinaslang nilang Special Action Force commandos sa Maguindanao province.
Mismong si MILF Vice Chairman Mohagher Iqbal ang nagsabing hindi nila kasapi ang mga armado sa naturang video. Isa sa mga ito ay makikitang pinagbabaril ng walang awa ang isang sugatan SAF commando hanggang sa mapatay habang pinagnanakawan naman ng iba ang mga kasamahan ng parak.
Napatay sa labanan sa MILF ang 44 SAF commandos sa Barangay Tukanalipao sa bayan ng Mamasapano matapos silang kuyugin ng mga armadong miyembro nito.
Palabas na sana ng nasabing lugar ang grupo ng SAF matapos na mapatay nila si Malaysian bomber Zulkifli bin Hir ng pinagtulungan sila ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. Teritoryo ng MILF ang lugar na kung saan naroon ang kubo ni Zulkifli.
Sa kabila ng pagtanggi ni Iqbal ay sinabi naman nito na ibabalik nila ang mga armas na nakuha ng ilang miyembro ng MILF at inginuso pa nito ang BIFF na umakong nasa kanila ang mahigit sa isang dosenang armas ng SAF commandos.
May sariling pagawaan ng armas ang MILF at maging ang Barrett sniper rifle ay ginagaya ng mga ito, ayon sa militar.
Naniniwala ang pamunuan ng pulisya na pawang mga miyembro ng MILF ang nasa kumalat na video at pinagtatakpan lamang ito ni Iqbal dahil sa brutal na pagpatay sa sugatang SAF commando ng kanilang tauhan.
Matindi ang pakikidalamhati ng pulisya sa naganap sa SAF commandos at katarungan ang hinihingi ng mga ito. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and https://mindanaoexaminer.com/
Share The News