
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 15, 2013) – Limang katao ang dinakip ng pulisya matapos na lusubin ang isang bahay sa Zamboanga City dahil sa umano’y taguan ito ng shabu.
Isang truck ng mga police commandos ang nagsilbing back-up sa maraming parak sa isinagawa nilang raid sa Barangay Tetuan na kung saan ay nasamsam ng mga ito ang 6 na malalaking pakete ng hinihinalang droga sa bahay ng mag-asawang Marimar at Sheralyn Ajurani.
Nabawi rin ang isang M4 automatic rifle, .380 automatic pistol, at ilang piyesa ng M4.
Hindi naman nadakip ang mag-asawa dahil wala sila sa bahay ng lumusob ang mga parak dala-dala ang kanilang search warrant. Nabatid pa na pagaari umano ng isang parak sa Police Regional Office sa Western Mindanao ang M4 rifle.
Ngunit nadakip naman ang 5 iba pa na nakilalang sina Vilma Musahari, 55; Nuhin Jordan, 31; Kunna Muhalib, 50; Tani Asarakil, 20; at Hadzkil Asarakil, 15.
Kinumpirma rin sa Abante ni Insp. Ariel Huesca ang mga identipikasyon ng mga nadakip. Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa mag-asawang Ajuraini. (May ulat ni Richard Falcatan)