
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / July 18, 2014) – Dinukot umano ng mga armadong kalalakihan ang isang grupo ng mga surveyors ng Department of Social Welfare and Development sa bayan ng Talipao sa lalawigan ng Sulu.
Ayon sa mga ulat ay sa Barangay Upper Sinumaan umano nabihag ang tatlong katao na nagbabahay-bahay para sa isang survey ng DSWD ukol sa Pantawid Pamilya Program.
Hindi naman agad mabatid ang mga pangalan ng tatlong biktima at wala rin pahayag ang DSWD o ang mga awtoridad ukol sa naganap, ngunit ayon sa ibang mga ulat ay pinangalanan ang mga biktima na sina Nurhati Sicangko at asawang si Mark Sicangco at Roberto Saputalo.
May ulat na isa sa mga bihag ang diumano’y nakatakas o pinakawalan.
Hindi rin nagbibigay ng anumang pahayag ang mayor ng Talipao kahit sa mga nakalipas na insidente ng kidnappings sa kanyang lugar. Hindi pa malinaw kung bakit pati ordinaryong empleyado ng DSWD na siyang pangunahing ahensya na tumutulong sa mga mahihirap na pamilya ay tinarget pa.
Nabatid na naganap ang dukutan hapon ng Huwebes. Wala naman umako sa pagdukot, ngunit kilalang teritoryo ng Abu Sayyaf ang nasabing bayan. (Mindanao Examiner)