CAGAYAN DE ORO CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pagkakapaslang sa isang Dutchman sa bayan ng Manticao sa lalawigan ng Misamis Oriental sa Mindanao.
Dead on the spot si Robertus Carolus Maria van der Ploeg ng ito ay matagpuan ng rumespondeng mga parak sa Barangay Punta Silum nitong Lunes ng gabi. Binaril ang dayuhan sa kanyang ulo at ayon sa ulat ay 2 tama ng bala ang bumaon sa utak nito.
Dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo ang sinasabing nasa likod ng krimen. Hindi pa mabatid ang motibo sa pagpatay sa dayuhan, ngunit nabawi sa lugar ang isang cardboard na may nakasulat na: “Pidopilya at adik ako.”
Natagpuan rin sa kanyang backpack ang sari-saring panty at cell phone na may litrato at sex video ng mga menor de edad at kababaihan. Walang umako sa krimen at hindi rin naglabas ng anumang pahayag ang embahada nito ukol sa naganap. (Mindanao Examiner)