
MARAWI CITY (Mindanao Examiner / May 29, 2013) – Lumutang sa Facebook ang mga larawan na kuha sa ibat-ibang presinto sa kasagsagan ng halalan sa Lanao del Sur province at dito ay kapuna-puna ang mga diumano’y paglabag sa Omnibus Election Code.
Nagmistulang palengke ang ilang presinto dahil sa hinihinalang bilihan ng mga boto ng mga tagasunod ng kanya-kanyang kandidato doon. Nagkalat rin ang mga kodigo ng pangalan ng mga tumakbo sa halalan.
Kaliwa’t-kanan rin ang akusasyon ng mga umano’y pre-shaded ballots sa lalawigan at ayon sa Facebook group na Media Resources Center at ARMM Watch ay talamak ang naging dayaan sa halalan at hindi lamang sa Lanao, kundi maging sa Maguindanao.
Umani rin ng sari-saring batikos ang mga naturang larawan na kuha umano ng mga concerned citizens. Meron pang larawan ng isang Precinct Count Optical Scan machine na tinangay umano ng isang parak at dalawang sundalo sa bayan ng Pagayawan at ibinalik bago matapos ang halalan.
Maging si governor-elect Mujiv Hataman ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, at ang kanyang vice governor-elect na si Al Rasheed Lucman ay hindi rin pinatawad sa mga akusasyon ng anomalya.
Matindi rin ang mga binibitawang komento ng ilang mga kritiko ni Hataman sa kanya.
Mariing pinasinungalingan naman ni Hataman ang lahat ng bintang sa kanila at sinabi na ang kanyang pagkapanalo sa halalan ay sa kagustuhan na rin ng mga bumuto sa kanya. “Mga talunan lang yan,” ani Hataman at hindi na umano nito pinapansin ang mga alegasyon at sa halip ay inaatupag na lamang ang kanyang trabaho. (Mindanao Examiner)