KIDAPAWAN CITY — Panalo ang entry ng Sultan Kudarat sa katatapos na Nutri-DOSE Komiks-making contest ng National Nutrition Council o NNC 12 sa ginanap na pagpupulong ng mga kasapi ng Nutri-Dose Regional Media Group sa Heneral Santos City, nitong Miyerkules
Ayon sa mga hurado, ang entry ng Sultan Kudarat Division na mula sa Esperanza National High School ay nakitaan ng namumukod tanging presentasiyon.
Anila pa, maganda ang pagkakalatag ng kwento at maging ang paggawa ng komiks na naghihikayat sa mga kabataan na magtanim ng gulay sa bakuran.
Ayon kay Nutri-DOSE President Agnes Myra Piñol, makakatanggap ng cash prize at incentives ang mga ito kungsaan layun nito na matulungan pa ang mga ahensiya na maipalaganap ang tamang nutrisyon sa rehiyon.
Bukod sa nabanggit ay niluluto din ng grupo ang isa pang adbokasiya na maging kasapi ng Nutri-DOSE ang mga asawa o maybahay ng mga punong ehekutibo ng bawat bayan at siyudad sa rehiyon upang maging kaagapay ang mga ito sa pagsusulong ng nutrisiyon.
Naniniwala ang NNC-12 na ang maybahay o kabiyak ng alkalde sa bawat munisipyo at lungsod ay may malaking papel para maisakatuparan ang blueprint ng bansa sa pagpapatupad ng nutrisyon na naka-angkla sa Philippine Plan of Action for Nutrition o PPAN. (Rhoderick Beñez)