Si Sulu Gov. Totoh Tan sa pagbubukas ng bagong covered court ng Mohammad Tulawie Central School sa bayan ng Jolo. (Kuha ni Franzie Sali)
SULU – Pinagkaguluhan ng daan-daang estudyante at guro si Sulu Gov. Totoh Tan na siyang nanguna sa pagbubukas ng bagong covered court ng Mohammad Tulawie Central School sa bayan ng Jolo.
Nagsilbi rin guest speaker si Gov. Tan sa “cutting of the ribbon” ng covered court kamakailan lamang. Todo naman ang pasasalamat ni Carmel Dedoro, ang head teacher ng nasabing paaralan, dahil sa malaking tulong at suporta ni Gov. Tan sa mga estudyante at sa mga proyekto ng Mohammad Tulawie Central School.
“All our sacrifices and all our efforts are meant to prepare our children for the future when they are on their own in facing the challenges of life. We are not there always by their side,” ani Gov. Tan sa kanyang talumpati. “Lastly, I want to put on record our appreciation for the school officials who have organized this event. I hope you will put this covered court into good use.”
Sinabi pa ni Gov. Tan sa mga estudyante na dapat nilang mahalin ang kanilang mga guro tulad ng kanilang pagmamahal sa magulang dahil sila ang naghihirap ng husto upang maturuan ang mga ito. “Dapat mahalin natin ang mga teachers natin same as how we love our parents” wika nito.
Sa kalagitnaan naman ng talumpati ni Gov. Tan ay napuna nito ang maraming mga estudyante na nakatayo lamang habang nakikinig ng taimtim sa kanyang mga sinasabi. Napukaw ang atensyon ni Gov. Tan sa kakulangan ng mga silya ng estudyante at guro kung kaya’t agad nitong ipinag-utos ang pagbibigay ng silya para sa mga estudyante.
Lalo naman naghiyawan ang mga estudyante at guro ng marining ang panibagong tulong na ibibigay muli ng opisyal. Sa pagtatapos ng seremonya ay dinumog naman ng maraming mga estudyante si Gov. Tan at pinagyayakap at pinaghahalikan ito dahil sa kanilang lubos na kaligayahan at bilang respeto sa kanya.
“Happy ang lahat at lalong-lalo na ang mga bata na hinalikan at niyayakap si Gov. Totoh at parang ayaw bitawan at ayaw paalisin sa kanilang campus. Tulala ang lahat dahil sa kung papaano ang naging pagtanggap ng lahat kay Gov. Totoh. Para siyang ama ng mga bata at talagang pinakikinggan niya ang mga sinasabi ng mga estudyante,” ani ng isa sa mga naroon.
Nangako rin si Gov. Tan na mas lalo nitong pagiibayuhin at bibigyan ng prayoridad ang edukasyon sa naturang lalawigan. (Franzie Sali)