
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Nov. 29, 2012) – Patay ang isang estudyanteng Kristiyano at nasa kritikal na kondisyon naman ang syota nitong Muslim matapos silang ratratin ng mga armadong sakay ng motorsiklo sa Zamboanga City.
Kasasakay lamang ng dalawa sa tricyle mula sa pinanggalingan motel sa Barangay Canelar ng sila’y tambangan. Parehong estudyante sa kilalang unibersidad ang dalawa.
Ayon naman sa driver ng tricycle ay tumalon ito ng marinig ang putok ng mga baril at tumakbo sa loob ng naturang motel sa takot na mapatay. Sinabi ng pulisya na mabilis na tumakas ang mga salarin matapos ng atake.
Hindi pa matiyal ang motibo sa ambush, subalit sinisipat na ng mga imbestigador kung may kinalaman ang krimen sa relasyon ng magsing-irog.
Haram o mahigpit na ipinagbabawal sa babaeng Muslim ang magkaroon ng relasyon sa isang Kristiyano at lalong malaking insulto ito kung isusuko ng babae ang kanyang dangal sa hindi nito kauri. (Mindanao Examiner. May karagdagang ulat si Alvin Lardizabal)