
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Mar. 12, 2012) – Isang fetus ang natagpuan sa loob ng isang simbahan sa Digos City sa lalawigan ng Davao del Sur at inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang nagiwan nito doon.
Natagpuan ang fetus dakong alas 3 ng hapon kamakalawa sa Mary Mediatrix Cathedral at nakasilid sa asul na plastic bag ang katawan ng bata at saka inilagay sa ilalim ng upuan.
Nangangamoy na umano ang fetus ng ito’y madiskubre, ngunit may mga bahid pa ito ng dugo. Hindi naman mabatid kung sino ang ina ng bata, ngunit may hinala na hindi kalayuan ang pinanggalingan ng fetus.
Hindi pa mabatid kung ang fetus ay sadyang tinanggal sa sinapupunan ng ina o aksidenteng na-abort. Walang anumang palatandaan na iniwan ang ina ng bata uoang ito’y makilala. (Mindanao Examiner)