
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Aug. 31, 2013) – Nasa kritikal na kalagayan ang isang 39-anyos na ginang matapos itong pagbabarilin sa kanilang bahay sa bayan ng Ipil sa Zamboanga Sibugay province sa Mindanao.
Sinabi ni Chief Inspector Ariel Huesca, ang regiona poliuce spokesman, na pinaghahanap ng pulisya si Jay Cudo, 28, na siyang itinuturong nasa likod ng pagbaril kay Rowena Villanueva, 39.
Nabatid na kinatok pa umano ni Cudo ang pintuan ng bahay ni Rowena at ng buksan ito ng babae ay saka ito pinagbabaril.
Wala na umanong nagawa ang asawa ni Rowena na si Cesar, 51, at ang kapatid na si Cris, 30, dahil sa bilis ng pangyayari. Agad rin tumakas ang salarin, ayon kay Huesca.
Hindi pa mabatid ang motibo sa pamamaril o kung may kinalaman ba ito sa love triangle o away-pamilya. “Pinaghahanap na natin yun suspek dito sa pamamaril at so far wala pa tayong resulta,” ani Huesca.
Maghahain umano ng kaso ang pamilyang Villanueva laban kay Cudo. (Mindanao Examiner)